HIMBING

Ni Myr Jdy C. Mahinay

Sa himbing ng tulog ko’y ikaw ang laman ng panaginip
Ngunit sa totoo wala ka sa’king pagsilip
Bakit ganito, mapaglaro ating mundo
Kapiling ka sa gabi pero hindi totoo
Dahil paggising ako, kisame ang kaharap
Asan ka nang iniwan mo ako sa ulap

Lahat ng kirot ng puso ko’y tinitiis
‘Di dahil sa matatag, ako lang ay di makaalis
Mahirap ngumiti pag-ikaw ay manatili
Sa buhay na pawang puno ng pagkukunwari

Hinimok ng galit, buwag ng balakid
Hindi na maisip kung tunay pa aking pag-ibig
O bakit, O bakit sila nalalait
Mainam lunurin, sarili ko sa panaginip

Sa himbing ng tulog dito kita nakilala
Ikaw ang s’yang kulay sa buhay kong walang kwenta
Bakit ganito, ako ngayo’y nalilito
Dama kita sa gabi, alam ito’y totoo
Dahil sa mundong ito, ikaw ang s’yang kaharap

Nandyan ka sa tuwing ako’y lugmok sa hirap

Lahat ng bagabag ko’y iyong pinapawi
Kung ikaw ang kasama, ako’y iyong pinapangiti
Ang sabi mo sa’kin, na huwag ko nang kimkimin
Ang lahat ng dusa na aking dinidibdib

Ang galit na pawi sa yakap mo lagi
Iyong kinandili sa oras na’ko’y humihikbi
Sa hele mo lagi na katangi-tangi
Ang nais mamalagi sa paghimbing ko tuwing gabi

Sa himbing ng tulog ko laging hanap ang iyong lambing
Ito ang s’yang lunas sa bagbag ko na damdamin
Bakit ganito, puso ko ay nagdudugo
Sa sinabi mo sa’kin na s’yang ikinagulo;
Na ika’y kathang-isip na aking inilikha
“Paalam sa iyo.” Bitiw ng iyong dila

O bakit malamig ang aking paligid
Ito ba’y sa dahil ako ay isang sinungaling
Pinilit itangging, sariling damdamin
Sa tunay na nais na mag bagong na hindi pilit

Sa himbing ng tulog ko, dito ako naliwanagan
Sa dapat kong ikilos sa tunay na nararamdaman
Tama, ganito, lahat dapat ay iwasto
Lumusong ng tuwid kahit ako’y bigo
Baon ko ang ‘yong lambing kahit wala ka na
Dahil sa muling himbing mahahanap kita