Panulat na Walang Pambura

By Sharmaine Jane C. Esguerra

Handa ka na bang balikan ang nakaraan?

Handa ka bang marinig ulit ang mga bagay na nasa alaala na lang?

Handa ka na bang muling maramdaman?

Handa ka man o hindi, samahan mo ako kaibigan.

Parang kailan lang na si nanay ang alarm clock sa umaga.

Parang kailan lang, milk drink ang paboritong ibaong inumin sa eskwela.

Parang kailan lang, paboritong tinapay ang nakahanda kapag recess na.

Parang kailan lang, hinahatid, binabantayan, at sinusundo pa.

Parang kailan lang, ang panulat mo ay lapis na may pambura at pwedeng gamitin kapag nagkamali ka.

Parang kahapon lang.

Pero ngayon gumising ka sa umaga na tanging telepono ang bumubuhay sa iyong diwa.

At parang ayaw mo pa ngang bumangon dahil alam mong isang nakapapagod na araw na naman ang kahaharapin at makakasama.

Parang kailan lang.

Pero ngayon, ni tubig hindi ka na makapagdala para buhusan ang nanunuyo mong lalamunan.

Kasabay nang pagod mong utak na walang ibang ginawa kundi isipin ang mga dapat gawin sa kinabukasan.

Parang kahapon lang.

Pero ngayon ni hindi mo na magawang lamnan ang tyan sa umaga ni isang piraso lang ng pandesal.

Dahil kapos ka na sa oras, maging ang pagtulog nga kulang at hindi makakatakas.

Parang kailan lang.

Pero ngayon mag-isa ka na lang nagtutungo sa paaralan at babantayan ang sarili na ‘wag matulugan ang propesor na nagtuturo sa harapan.

Na kulang na lang ay pahiran ng sili ang palibot ng iyong mga mata para magising lang.

Parang kahapon lang.

Pero ngayon panulat na may itim na tinta ang gamit at hindi na isang lapis na maaaring mabura ang bawat pagkakamaling mailapat sa pahinang sinusulatan.

Alarm clock, na gigising sayo hindi lang sa umaga kundi sa katotohanan,

Tubig, na bubuhusan hindi lang ang nanunuyong lalamunan maging ang natutulog mong isipan,

Tinapay, na bubusugin hindi lamang ang tiyan kundi pati ang kaluluwa mo ng mga aral sa buhay.

Byahe, na ihahatid ka hindi lang sa eskwela kundi pati sa mga bagay na dapat mong matutuhan.

Babantayan ka, kung may pagkakamali mang muntikan mo nang subukan,

At susunduin ka, para ibalik ka sa tamang daan ng pinaglalakbayan.

Ngayon na ating binalikan,

Mayroon ka bang naramdaman?

Sumagi ba ang alaala ng nakaraan?

Panahong wala ka pang musmos at wala pang

kaalam-alam?

At tatanungin kitang muli.

Handa ka na ba?