Lalim ng Pangarap

By Sharmaine Jane C. Esguerra / Illustration By Kristine Claire Viernes

Sabi nila,
Kung mangangarap ka rin lang, taasan mo na.
Sabi nila libre lang ang mangarap,
Kaya lubus-lubusin mo na.

Pero aanhin natin ang rurok ng pangarap,
Kung walang malalim na pinag-uugatan?
Aanhin ang maraming pangarap,
Kung puro pagpaplano at walang kaakibat na pagsusumikap?

Marahil ang sukatan ng tagumpay ng marami ay mga medalya,
Sertipiko,
At iba’t iba pang parangal na tila talang nagniningning sa karimlan kapag pinagmamasdan.

Ngunit lingid sa atin na ang pinaka-sukatan ng tagumpay ay ang mga panahon ng pagkadapa,
Pagkalugmok,
Pagtangis,
Pagkagupo sa mga suliranin pero pinili pa ring tumayo,
Magpatuloy,
Magpahid ng luha,
Huwag sukuan kung anong sinimulan,
Tindigan kung ano ang inumpisahan.

Dahil may pangarap kang malalim na nakaugat sa iyong puso,
Dahil may pinanghahawakan ka sa kabila man nang marahas na trato ng mundo,
Na kahit anong hila nila sayo pababa,
Mas lalo kang nagpupursigeng magpunla,
Na diligan ka man ng mga hindi magagandang salita,
Alam mong kailangan mo ito para ka lumago at umunlad.

Palibhasa alam mong may kapanahunan para sa lahat ng bagay,
At alam mong nasa panahon ka pa lang ng pagtatanim,
At alam mong darating din ang panahon ng iyong pag-ani sa hardin ng mga pangarap.

Hardin ng mga pangarap,
Na may iba’t ibang ugat na pinagmulan,
Iba’t ibang bulaklak ng kinabukasan,
Iba’t ibang kulay ng tagumpay,
Pero nagkakaisang-diwa na bigyang kasiyahan ang mga magulang,
At mabigyang kaluguran ang Lumalang.

“Laliman mo pa ang pangangarap”
Tanda kong sabi nila,
Para sa tuwing binabagyo ka ng tanong,
Kung para sa iyo ba ang pinapangarap mo,
May saligan ka.
At hindi ka basta-basta matitianod dahil malalim ang kapit ng pangarap mo.

Kaya laliman mo pa ang pangangarap,
Upang huwag kang tangayin.
Laliman mo pa ang pangangarap,
Upang mas maging matatag ang bawat bukas na kailangan mong salingin.
Laliman mo pa ang pangangarap,
Upang bagtasin man nila ang lupang pinagtaniman mo ay hindi nila maabot ang lalim ng iyong mga ugat.

Kaya’t laliman mo pa ang pangangarap,
At titingala silang lahat sa ganda ng iyong pag-usbong,
At walang makapipigil sa iyong pagningning,
Sa gitna man ng sinag ng araw o ilaw ng buwan sa gabi,
Ningning ng iyong bulaklak ay hindi maitatanggi.