Kung Bakit Ka Nangangarap

By Sharmaine Jane Esguerra

Paano ba bumalik sa panahon kung saan ang tanging dahilan lang ng pag-iyak ay dahil inagaw ng kaklase ang aking pambura?
Paano ba bumalik sa puntong ang pag-guhit ng bahay ang siyang tanging problema?
Paano ba magbalik-tanaw kung saan ang tanging kinatatakutan lang ay ang mawala sa paningin si nanay habang nagtuturo si titser sa harapan?

Paano ba bumalik sa dating panahon kung saan mas masaya ang mag-aral…

Na kapag papasok sa paaralan ay ipaghahanda ka ni nanay ng masarap na almusal,
Nakahanda na rin ang uniporme at plantsado na ni nanay,
Na kapag recess ay maghahabulan papunta sa kani-kanyang magulang para kuhanin ang baon at kainin na parang wala nang bukas,
Na kapag uwian ay ihahagis ang mga bag sa gilid at maglalaro muna ng habulan,
Na kapag napagalitan ni titser, ay isusumbong lang at iiyak kay nanay,
Na kung saan ang pag-aaral ay hindi pa ganun kabigat,
Hindi ganun kahirap,
Dahil nandun pa rin ang pagkakataong makapaglaro, makapagsaya, makapagpahinga sa bawat numero at letra na itinuturo sa eskwela?

Pero dahil nasa kolehiyo ka na…

Hindi na lang simpleng pag-iyak ang ginagawa.
Nakaharap sa tambak na kwaderno at libro, siya rin namang pagtulo ng luha…
Na ang problema ay kung paano pagkakasyahin at susulitin ang dalawang oras na natitira at ang pagtulog ay kailangang isantabi muna,
Na ang kinatatakutan ay ang pagbagsak sa napakahalagang asignatura,
Kinakabahan at nangangamba kung paanong ang pagsusulit ay maipapasa,
At kung paano ka humikbi sa tuwing hindi mo na kaya,
Ang pagtingin sa kawalan, at siya namang pagkaway ni nanay, ngunit parang usok, unti-unting tinangay ng hangin at naparam.

Hindi na pala maaaring bumalik sa nakaraan.
Hindi pala ganun kadaling balikan.
Na ang tanging dala mo ay alaala na lang.

Kung paano ka nagsimulang magbasa at magsulat…
Kung paano ka natutong tumahan sa pag-iyak,
Kung paano mo natutuhang ‘wag isumbong lahat kay nanay,
Kung paano mo inintindi at tinanggap ang ‘yong kamalian sa paaralan,
Kung paano mo sinikap itaguyod ang pag-aaral.
Kung paano ka nagkulong sa kwarto para mag-aral ng lektura at magkabisa,
Kung paanong ang bawat baitang ay iyong naipasa.

Sa bawat “ayoko na,”
Nariyan ang “kaya pa.”
At sa bawat “suko na,”
Nariyan ang “laban pa.”

Kailangan mo lang lumaban para sa pangarap.
Kailangan mo lang balikan ulit kung bakit ka nangangarap.

At muli mong isipin sina nanay at tatay…

Kung gaano sila naghirap makarating ka lang sa unibersidad na iyong pinapangarap,
Kung gaano sila nagsumikap matugunan lang ang matrikula sa paaralan.

Kaya kailangan mong huminga at tumingala sa alapaap.
Punasan mo ang luha at muling hanapin ang dating kislap ng mata sa pagitan ng mga ulap,
At hanapin mong muli ang ningas at alab.

Alalahanin mong muli kung bakit ka nangangarap.