KASWAL

ni Ruzzel Joshua A. Piad

Bagahe at babae mong imahe,
Huling sulyap na nasulyapan.
Waribaga may bumulong,
Pagkagusto’y ikinulong.
Panghihinayang sana’y tinagalan;
Sumulong nang sapilitan.

‘Di inakalang tatagal;
Sakit at pagmamahal.
Kada umaga ay sabik,
Sa pagtingin at pagngiti.
Hapon na’t di na namalayan,
Naglaho lahat sa pagpikit.

Bilang ang mga araw,
Oo binilang mga araw.
Balang araw sana’y makabilang.
Suyua’y muling isisilang,
Ipaglalaban at pamamarisan;
Na parang si Gabriela Silang.

Busog, sa bugso ng damdamin,
Kailanma’y di kakalam.
Pluma’y ‘di ipaaalam.
Ganti sa t’wing nagdaramdam.
Mahuli pa’y pagbati ng maligayang kaarawan!
Naning lang sakalam.

Ikatlong araw’y laking tulong,
Mga talastasan ay umugong.
Sa mga puso ay nag-alab,
Kaba’t konsensiya siyang dumanak.
Sa laro po ay pasasalamat;
Yao’y kwatro o nueve’y alamat.

Hugis puso ang buslo,
Kaya hindi uubra itong mundo.
Kahit ano pang gawing bitaw,
Marami man ang nakatanaw,
O sa parihabang silid man ay mag-isa,
Ay tiyak pa rin na mamimiss kita.

Upang maibsan itong kirot,
Kinailangan kong bumato nang patalikod.
Orasan ay aking inasinta,
Sana pag-asa’y magkasya.
Pagkat ikaapat na araw man ay pabagalin,
Bente kwatro’y ‘di sasapat; pag-ibig ay alanganin.

Kaya sa pagbalik-
Tad ng araw ay siyang pasan-pasan.
Kibit balikat na lang,
Kahit minsa’y bali, cut pa.
Pipiliing pa ring maging tapat;
Kahit sa pagbalik, tanaw ko ang bigat!

Mata ay saksi ngunit sa tenga’y di humangga.
Isang kantang mag-aantay din ba sa wala?
O ika’y walang ideya binibini,
Muli kang makita’y pananabik.
Mga tugma’y sadya kong ipinihit,
Pagkat tadhana’y sasabayan, ‘di ipipilit.

Oh kung malaman ga’no kahirap,
Yakagin ang pangarap.
Manu-manong hinagilap,
Ala-ala ay sinipat.
Gintong imaheng mga naipon-
Imitasyon ng ‘di malilimutang kahapon.

Nahuling dalawang berso sana’y mapansin,
Gabay ay unang letra’y unawain.
Ang paalala’y aliwin lagi ang sarili,
Talino’y laging ibahagi.
Kalusugan ay mahalin nang kaswal,
Araw na ito’y punuin mo nang sakdal.