Balikbayan (Anecdote)

By Myr Jdy C. Mahinay

Illustration by Jed Azariah Labasan

Hirap huminga, masikip ang dibdib, at wala pa akong tulog sa pagkakataong iyon. Nananahimik at nakaupo ako sa isang sulok habang pinaaakyat-panaog ang aking sikmura sa tuwing tumitingin ako sa kanang butas sa aking pwesto. Ang ingay ng katabi kong linya ang mata. Hindi ko maintindihan ang sinasabi niya sa kanyang katabi. Sa bandang likod ko naman ay may nag-uusap na magkasintahan. Mahinahon at payak naman ang kanilang pag-uusap pero nasisipa ng lalaki ang upuan ko na lalong ikinahilo ko. Ewan ko ba hindi pa ako sanay kahit ilang beses na ako pabalik-balik dito.

Pagkalipas ng ilang oras ay nakarinig ako ng boses sa may harapan ko na nagsasabing malapit na kami sa aming destinasyon sabay pagkadama ng pagkahilo habang tumatabingi ang sinasakyan ko na parang nakasandal paharap kaming lahat.

Nahimasmasan din ako, huminga nang napakalalim, bumukas ang isang lagusan na sa isang tingin mo ay masisilaw ka. Pumasok ang mainit na hangin at ang nakakapasong sikat ng araw. Nandilim ang aking paningin. May kumikislap na kulay pula na nagiging bughaw. Pabalik-balik at walang sawa. Biglang lamig ang aking nadama. Nakahiga pala ako, damang dinadala kung saan, masakit ang ulo ko, manhid ang katawan. Hindi ko magalaw ang munti kong mga kamay, basta alam ko mahimbing pa ang tulog ko.